-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinaabot ng pamilya Dormitorio sa Bombo Radyo ang kanilang pagkadismaya sa mabagal na pagkamit ng hustisya sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dexter Dormitorio na gugunitain na nila ngayong araw ang first death anniversary ni Darwin ngunit hindi pa rin nasagot ang kanilang mga tanong sa totoong pangyayari kung bakit pinatay ang kaniyang kapatid ng mga kapwa kadete.

Ipinaabot din nito ang pagkadismaya sa Baguio Prosecutor’s Office dahil lumagpas na sa 60 days period ngunit wala pa ring inilabas na resolusyon nito sa kanilang ipinasa na motion for reconsideration sa nasabing kaso.

Tinuligsa pa ng pamilya ang paghingi ng tulong ng mga na-convict na akusado sa Armed Forces of the Philippines bilang delaying tactics upang mapabagal ang kanilang paglipat sa city jail.

Una nang inilabas ang commitment order ng korte para sa kasong murder at paglabag sa Anti-Hazing Law sa Baguio City laban kina dating Philippine Military Academy cadets Julius Carlo Tadena,Felix Lumbag Jr, at Shalimar Imperial Jr.

Kapwa akusado sila sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio noong Setyembre 18, 2019.

Samantala, isang misa at tribute naman ang iaalay ng naulilang pamilya sa Oro Garden bilang paggunita ng kaniyang unang taon ng pagkamatay.

Lalahok dito ang ilan sa kaniyang mga kaibigan at kasamahan sa simbahan ngayong umaga.