CAUAYAN CITY – Umaasa ang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maisasama sa Bayanihan 3 ang hiling nilang P62 billion na wage subsidy sa mga manggagawa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Labor secretary Silvestre Bello III na nagsumite na sila ng proposal sa pamahalaan para sa wage subsidy program.
Humingi sila ng P62 billion para sa mga employers at nang hindi sila magtanggal ng kanilang empleyado.
Aniya, sasagutin ng DOLE ang 25 hanggang 50 percent sa sahod ng mga empleyado para hindi mahirapan ang mga employer.
Prayoridad naman dito ang mga micro, small and medium business establishments dahil kaya pa naman ng mga malalaking negosyo na pasahurin ang kanilang mga empliyado.
Gayunman ay dadaan pa ito sa kongreso at kung may Bayanihan 3 ay umaasa silang mapapasama ang kanilang proposal.
Samantala, sinabi rin ng kalihim na bukas ng muli ang United Arab Emirates para sa mga Pinoy Domestic Helpers na magsisimula sa March 31, 2021.













