-- Advertisements --

Todo ngayon ang paghahanda ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa ibibigay na ayuda sa mga manggagawang nabiktima ng magnitude 6.9 na lindol sa Davao del Sur at mga kalapit na lalawigan sa Mindanao.

Siniguro ni Labor Sec. Silvestre Bello III na mapagkakalooban ng gobyerno ng tulong ang mga displaced worker sa ilalim ng “Emergency Employment Assistance Program.”

Hindi na raw hinintay ng kalihim ang direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte at agad na itong kumilos para matulungan kaagad ang mga biktima ng lindol.

Sa katunayan, nakipag-ugnayan na raw siya kay DOLE Regional Director Raymundo Agravante kaugnay sa emergency employment sa mga empleyadong apektado ng lindol.

Sa ngayon, nagsasagawa na ng profiling ang DOLE o inaalam na kung sino-sino ang mga nawalan ng trabaho dahil sa lindol.

Ang mga mapapasama sa listahan ay tutulungan ng DOLE, gamit ang available na pondo ng ahensya.

Noong nakalipas na mga lindol sa Mindanao, naglabas na ang DOLE na milyong-milyong pisong emergency employment fund para sa mga manggagawang nabiktima ng lindol.

Maging ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na aktibong miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at kanilang mga kaanak na nasalanta rin ng kalamidad ay aayudahan ng pamahalaan.