-- Advertisements --

Aabot sa mahigit 100 na mga minimum wage earners sa Agusan del Sur ang nakabili ng P20 per kilo na bigas matapos na ilunsad ng Department of Labor and Employment ang program sa lalawigan.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ipinatupad ng ahensya ang nasabing programa sa probinsya.

Partikular na rito ang “Benteng Bigas Meron (BBM) na para sa mga Minimum Wage Earners na inilunsad ng ahensya sa bayan ng Talacogon.

Katuwang ng DOLE sa paglulunsad ng programang benteng bigas ang Department of Agriculture na ginanap sa Agriwood Development and Natural Resources Corporation.

Nagmula naman ang ipinamahaging well-milled rice sa warehouse ng National Food Authority.

Ito ay bahagi pa rin ng inisyatiba ng administrasyong Marcos na layong mabawasan ang pasanin ng mahal na presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.