-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi dapat parusahan ng mga employer ang mga manggagawang piniling manatili sa kanilang mga tahanan upang maiwasan ang panganib dulot ng masamang panahon.

Ayon sa DOLE, walang pananagutang administratibo ang mga empleyado na hindi pumasok o tumangging magtrabaho sa ganitong mga sitwasyon, sapagkat itinuturing itong makatuwirang hakbang para sa kanilang kaligtasan.

Batay sa inilabas na labor advisory ng kagawaran, alinsunod sa Article 5 ng Labor Code of the Philippines na inamyendahan ng Republic Act No. 11058, maaaring i-activate ng mga pribadong kumpanya ang kanilang “management prerogative.” Sa ilalim nito, pinapayagan ang pansamantalang suspensyon ng trabaho sa pribadong sektor tuwing may banta sa kaligtasan ng mga manggagawa.

Sa ilalim ng mga umiiral na pay rules, walang bayad ang araw ng hindi pagpasok ng empleyado maliban na lamang kung mayroong company policy, collective bargaining agreement (CBA), o leave credits na maaaring gamitin ng empleyado.

Para naman sa mga pumasok sa trabaho sa kabila ng masamang panahon, ipinahayag ng DOLE na dapat silang tumanggap ng kanilang buong regular na sahod kung nakapagtrabaho ng hindi bababa sa anim (6) na oras. Kung mas mababa naman dito, dapat bayaran ang empleyado ng proporsyonal na halaga ng kanyang suweldo, maliban kung may ibang patakaran o nakasanayang sistema ang kumpanya.

Hinikayat din ng DOLE ang mga employer na magbigay ng dagdag na benepisyo o insentibo sa mga manggagawang nagpatuloy sa pagtatrabaho sa gitna ng masamang lagay ng panahon bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at serbisyo.