-- Advertisements --

Iniutos ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang imbestigasyon sa 98 business process outsourcing (BPO) companies na umano’y nagpumilit sa kanilang mga empleyado na magtrabaho kahit delikado ang kondisyon dahil sa Super Typhoon Uwan (Fung-wong).

Ayon sa BPO Industry Employees Network (BIEN Philippines), maraming empleyado ang pinilit mag-report on-site sa kabila ng malawakang pagbaha, delikadong pagbiyahe, at pagkawala ng kuryente, kung saan ang mga hindi daw makakapasok ay makakatanggap ng “notice to explain” (NTE) o pagpilit sa mga ito na gumamit ng leave credits.

Sinabi pa ni Laguesma na inatasan niya ang mga regional directors ng DOLE na imbitahan ang pamunuan ng mga kumpanya upang ipaliwanag ang kanilang panig bago magdesisyon sa susunod na hakbang.

Ayon kay BIEN national president Mylene Cabalona, bagama’t may ilang kumpanya na nagbigay ng shuttle service, libreng pagkain, o pansamantalang matutuluyan, tinawag niya itong “token measures” na mas pinapahalagahan ang operasyon kaysa kaligtasan ng mga empleyado.

Karamihan sa mga BPO na iniimbestigahan ay nasa Metro Manila, habang ang ilan ay nasa Bacolod, Cebu, Lipa, Sta. Rosa, Meycauayan, Clark, at Baguio.

Hinimok ng BIEN ang DOLE na siguraduhing inuuna ang kaligtasan ng empleyado, at huwag parusahan o pilitin gumamit ng leave credits ang sinumang hindi makapasok sa trabaho dahil sa masungit na panahon.