-- Advertisements --

Hinimok ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga pribadong sektor na sumunod sa ikinasang taas sahod sa National Capital Region (NCR) para sa mga minimum wage earners na epektibo nito pang Hulyo 18.

Ayon kay DOLE NCR Dir. Sarah Buena Mirasol, umaasa siya na boluntaryong susunod ang mga employers sa P50 na dadag sahod alinsunod na rin sa Wage order NCR-26 na siyang inisyu ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board noong Hunyo 30.

Aniya, inaasahan na magiging benepisyaryo ng naturang dagdag sahod ang higit sa 1.2 milyong minimum wage earners sa buong Metro Manila.

Samantala, dahil sa P50 na taas sa sahod inasahan na papalo na P695 ang minimum wage para sa mga non-agriculture sector na dating mula sa P645.

Habang ang mga empleyadong nasa sektor ng agrikultura, service at retail na mayroong 15 empleyado at maging sa manufacturing ay papalo naman sa P658 na dati ay nasa P608.

Kasunod nito ay hinimok rin ng DOLE ang mga manggagawa na ireklamo sa mga otoridad ang mga employers na hindi susunod sa bagong rates ng pasahod.