-- Advertisements --

Pinakinabangan ng mahigit 16,000 minimum wage earners ang nationwide rollout ng programang “Benteng Bigas Meron (BBM) Na para sa mga Minimum Wage Earners,” ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE). 

Layon ng programang ito na magbigay ng abot-kayang bigas para sa mga manggagawang tumatanggap ng minimum na sahod — bilang tulong sa pagharap sa epekto ng mataas na presyo ng bilihin at inflation.

Ayon kay DOLE Officer-in-Charge Benjo Santos, nasa kabuuang 16,126 na mga manggagawa mula sa 100 establisimyento sa buong bansa ang nakinabang sa programa.

Humigit-kumulang aniya na 800 rank-and-file na manggagawa sa pantalan ang nakabili ng tig-limang kilo ng bigas bawat isa sa Manila Harbor Center sa Tondo, Maynila noong Biyernes.

Ang paglunsad ng programa ay pinangunahan ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. 

Ayon kay Santos, ito raw ang pangako ng pangulo na hindi napapako kundi isang ganap na katuparan.

Orihinal na nakatuon ang programa para sa mga vulnerable sector tulad ng mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), mga solo parent, at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).