-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Justice na maisisilbi ang hustisya sa dalawang sundalong naghain ng kanilang reklamong ‘rape’ laban sa isang senior military officer ng Armed Forces of the Philippines.

Ito mismo ang naging kumpirmasyon ni Secretary of Justice Jesus Crispin Remulla matapos matanong kung ano ang hakbang o aksyon ng kagawaran hinggil rito.

Kung saan inihayag ng naturang kalihim na makaseseguro umano ang publiko na asahang magkakaroon ng hustisya lalo na sa mga indibidwal na biktima ng pang-aabuso o pang-aapi.

Kasunod ito sa pagsasampa ng dalawang sundalo ng mga reklamong ‘rape’ at ‘attempted rape’ sa prosecutor’s office ng Lipa, Batangas.

Nakasaad sa isinumiteng affidavit ng mga complainants na sila’y inanyayahan na matulog sa kwarto ng kanilang senior officer ng walang iniisip na masama.

Ngunit dito na anila’y naganap ang hindi inaasahang umano’y ‘rape’ na kanilang inireklamo matapos ang insidente.

Samantala sa kabila nito, ang sangkot na senior officer ng military ay itinanggi ang mga alegasyon o akusasyon laban sa kanya.

Giit kasi nito na ang ‘sexual assault’ na ipinaratang sa kanya ay imposibleng mangyari dahil sa dalawang sundalo ito kumpara sa kanya na iisa lamang.

Gayunpaman, binigyang diin ng abogado ng mga complainants na ang ‘rape’ ay maari ding mangyari kaninuman maging sa lalaki.

Sa kasalakuyan, ang naturang inirereklamong senior military official ay isinailalim na sa ‘restrictive custody’ o ‘house arrest’ sa loob ng kampo kung saan ito namamalagi.