Handang-handa na si Justice Sec. Menardo Guevarra sa kanyang bagong trabaho na pangunahan ang mas pinalawak na imbestigasyon ukol sa mga alegasyon ng katiwalian sa pamahalaan, alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanyang pahayag sa mga mamamahayag, sinabi ni Guevarra na maliban sa kanyang responsibilidad bilang Kalihim ng DOJ, ang kanyang bagong assignment ay “most awesome” aniya sa lahat ng mga natanggap niya mula sa presidente.

Sinabi ni Guevarra na kailangan niya ng lahat ng suporta at kooperasyon ng buong gobyerno at makinarya nito upang magtagumpay ang layunin na mapuksa o mabawasan ang kurapsyon sa pamahalaan.

Dagdag ni Guevarra, dahil sa lawak ng naturang anti-corruption campaign ay tututok umano siya sa organizational set-up at mekanismo para maisakatuparan ang direktiba ng pangulo hanggang sa matapos ang kanyang termino.

Sinabi ni Guevarra na makakatulong nang malaki kung ang mga kawani ng gobyerno at ang publiko ay magbibigay ng mga impormasyon upang malantad na ang mga katiwalian at matukoy ang mga tiwali.

Dito aniya magsisimula ang bago at pinalawig na anti-corruption task force.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Guevarra na kanyang iniisip na ang pagbuo ng strike forces na silang aatake sa corruption-prone agencies.

Pero sa ngayon, kailangan munang mabuo ang main task force at alamin na ang overall strategy.