BJMP New Bilibid Prison
BJMP New Bilibid Prison

Todo paliwanag ngayon ang Department of Justice (DoJ) kasunod na rin nang natanggap ng Bombo Radyo na reklamong hanggang sa ngayon ay nakapiit pa rin ang mga recipient ng good conduct time allowance (GCTA) na pinatawag para sa recomputation ng kanilang jail term.

Sinabi ni DOJ Sec. Menardo Guevarra sa ipinadalang mensahe sa Bombo Radyo na hiniling daw kasi ng Bureau of Corrections (BuCor) na palawigin pa ang isinasagawang recomputation.

Aniya, hindi raw agad kayang tapusin ng BuCor ang pag-recompute sa jail term kaya hiniling nilang bigyan pa sila nang hanggang buwan ng Marso.

“Humingi ang BuCor ng extension ’till march 2020,” ani Sec. Guevarra.

Una rito, Setyembre noong nakaraang taon nang muling ipatawag ng BuCor at nang mismong Pangulong Rodrigo Duterte ang mga inmate na nakinabang sa GCTA kasunod pa rin ng kontrobersiya sa muntikan nang paglaya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

-- Advertisement --

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Silvestre Trilles, sinabi nito na labis na ang kanilang hirap bunsod na limang buwan na nang kusa silang bumalik sa kulungan ngunit wala pa ring linaw kung anong patutunguhan ng kanilang kaso.

Nabatid na nakulong si Trilles sa Abuyog Penal Colony, ngunit nabigyan ng GCTA dahil hindi ito tumakas sa piitan kahit nawasak ng supertyphoon Yolanda ang kanilang kulungan, maging noong nagkaroon ng sunog.

Nanghihinayan ang inmate sa mga nasimulan na sana nilang trabaho sa “laya” na ngayon ay nawalan na uli dahil sa tagal ng muling pagkakakulong.

Pagbabahagi pa ni Trilles, ganito rin ang saloobin ng kaniyang mga kasamahang bilanggo na living out ngayon sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.