Ihahanda na sa susunod na linggo ng Task Force Philhealth ang kanilang report at recommendation sa Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng katiwalian sa ahensiya.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, sa susunod na linggo ay posibleng tapusin na ng Department of Justice (DoJ) ang kanilang imbestigasyon sa naturang isyu.
Pagkatapos nito ay pag-iisahin at iaanalisa na raw nila ang mga impormasyon at ebidensiya na kanilang nakalap.
Sa ngayon ang mga participating agencies gaya ng National Bureau of Investigation (NBI), Presidential Anti Corruption Commission (PACC), Anti Money Laundering Council (AMLC) at Commission on Audit (COA) na nag-iimbestiga rin sa kaso ay susubukan daw na tapusin na rin ang kanilang kasalukuyang imbestigasyon o special audits.
Habang ang Ombudsman at Civil Service Commission (CSC) ay susubukan namang resolbahin ang philhealth cases na nakabinbin sa kanilang mga opisina.
Dagdag ni Guevarra, ang deadline ng submission ng kanilang report ay sa Setyembre 14 na pero ang kanilang composite teams ay magpapatuloy sa kanilang imbestigasyon para sa mga mas kumplikadong philhealth cases ng graft o fraud.
Pagkatapos nito ay magsasampa na rin sila ng kaukulang legal action.
“We’ll wind up our hearings next week, thereafter analyze and consolidate all the information and evidence that we have gathered, and proceed to prepare our report with recommendations to the president. meantime, participating agencies, such as the NBI, PACC, AMLC, and COA will try to conclude some of their ongoing investigations or special audits, while the OMB and the CSC will exert efforts to resolve philhealth cases already pending with their offices. our deadline for the submission of the report is on 14 sept 2020, but our composite teams will continue with their investigation of the more complicated philhealth cases of graft or fraud and file the appropriate legal action even beyond that termination date,” ani Guevarra.