-- Advertisements --

Inatasan ni Sec. Menardo Guevarra ang Office of Cybercrime ng Department of Justice na makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation para imbestigahan ang biglang pagsulpot ng mga pekeng account sa social media platform na Facebook.

Ayon sa kalihim, kasama rin sa pinaco-coordinate niya ang Cybercrime Units ng Philippine National Police para matunton kung sino ang nasa likod nang naglipanang mga account.

Nababahala raw ang DOJ secretary dahil hindi angkop ang sitwasyon sa kasalukuyang krisis ng bansa dahil sa COVID-19.

“This gives me cause for worry. We don’t need false information at a time when we’re dealing with a serious public health crisis.”

Nitong araw nang maglabas ang University of the Philippines ng advisory para sa mga estudyante at alumni nito hinggil sa mga lumalabas na dummy accounts.

Nakatanggap daw kasi ang UP system ng mga ulat tungkol sa naglitawang pekeng Facebook accounts gamit ang pangalan ng ilan nilang mag-aaral.

“Rest assured that the UP System Data Protection Officer has reached out to the Philippine National Police Privacy Commission to help students and alumni report fake or dummy accouns in their name to the DPO of Facebook,” ayon sa statement.

Pero lumalabas na hindi lang UP students ang naging target ng dummy accounts, dahil maraming netizen ang nag-post ng larawan at link ng pekeng accounts gamit ang kanilang mga pangalan.

Sa nakalipas na linggo maraming estudyante at aktibista ang nag-tipon sa ilang campuses ng UP para i-protesta ang pagtutol nila sa isinusulong na Anti-Terrorism Bill.