-- Advertisements --

Binigyang diin Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang pagiging bukas ng Department of Justice (DOJ) sa posibilidad na gawing mga state witness sina Curlee at Sara Discaya, hinggil sa mga kontrobersiyal na proyekto sa flood control.

Ayon kay Remulla , ito ay nakadepende sa kanilang kakayahang magsumite ng buong katotohanan at mga detalye hinggil sa kanilang pagkakasangkot sa mga kontrata ng gobyerno na pinag-uusapan.

Ang pahayag na ito ni Remulla ay ginawa bilang tugon sa interpellation ni SAGIP Party-list Rep. Paolo Marcoleta.

Ang interpellation ay naganap sa ginanap na budget deliberation para sa panukalang ₱40-bilyong budget ng DOJ para sa taong 2026 sa House Appropriations Committee.

Sa pagtatanong ni Marcoleta, binigyang-linaw ni Remulla ang posibleng papel ng mga Discaya sa paglutas ng mga isyu sa mga proyekto ng pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Remulla na mayroong tiyak na proseso na kailangang sundin nang mahigpit bago tuluyang maikonsidera ang sino man bilang isang state witness.

Ang prosesong ito ay kinabibilangan ng masusing pagsusuri sa kredibilidad at kahalagahan ng kanilang testimonya.

Kailangan umanong ang kanilang testimonya ay mayroong merito at naglalaman ng kabuuang katotohanan, na nagbibigay ng malinaw at kumpletong larawan ng mga pangyayari.

Kabilang sa dapat nilang ibunyag ay ang buong detalye na sumasaklaw sa taon-taong pangongontrata sa gobyerno, at hindi lamang limitado sa mga transaksyon na naganap sa nakalipas na tatlong taon.

Binigyang-diin din ni Remulla na napakahalaga na ang mga Discaya ay maglabas ng konkretong ebidensya upang suportahan ang kanilang testimonya.