-- Advertisements --

Itinurn-over na ng Department of Justice sa Office of the Ombudsman ang ilang mga kaso laban sa mga sangkot sa flood control projects anomaly.

Pormal ng ipinasa o ini-refer ng naturang kagawaran ang ilang mga dokumento at impormasyon nakalap nito ukol sa imbestigasyon kaugnay sa kontrobersiya. 

Pinangunahan mismo nina Department of Justice Officer-in-charge Undersecretary Fredderick Vida, at Prosecutor General Richard Anthony Fadullon ang pagsusumite nito kay Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ngayong araw. 

Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, ang mga ipinasang mga kaso ay hinggil sa partikular na mga distrito ng Bulacan. 

Limang kaso aniya ang kanilang isinumite o ipinasa sa Office of the Ombudsman, kinasasangkutan ng ilang mga opisyal at mga kontratista. 

Kabilang sa mga itinurn-over na mga kaso ay ang malversation sa ilalim ng Article 217 ng Revised Penal Code, falsification by public officers ng Article 171, perjury at pati paglabag sa Section 3e ng Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act. 

Alinsunod rito’y hihintayin aniya ng Department of Justice ang magiging utos o instruksyon ng Office of the Ombudsman kung itutuloy para isailalim sa preliminary investigation ang mga kaso. 

Ayon naman Ombdusman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, ang mga kasong ito ay siyang mga itinuturing bilang mga low hanging cases o open shot cases. 

Ghost projects aniya ang mga ito sapagkat may lumabas na pera ngunit walang proyekto namang makikitang nagawa.