-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na kanilang ipatatawag ang mga kongresistang idinawit ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na sangkot umano sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, iimbitahan ng National Bureau of Investigation ang mga ito upang ibahagi ang kanilang kumento o kasagutan.

Aniya’y may kapangyarihan naman raw ang naturang kawanihan upang ipatawag ang mga kongresistang sangkot para kanilang ipresenta ang sarili.

Kung hindi sila tumugon, ani Justice Secretary Remulla, dito na papasok ang ‘subpoena’ na manggagaling sa National Bureau of Investigation.

Ngunit aminado ang naturang kalihim na dadaan pa sa masusing ebalwasyon at beripikasyon ng kagawaran ang mga impormasyon mula sa mag-asawang Discaya.

Maaalalang base sa affidavit nina Sarah at Curlee Discaya ay kanilang idinawit ang ilang pangalan ng kongresista kabilang si former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at former House Speaker Martin Romualdez.