MANILA – Naka-sentro muna sa National Capital Region (NCR) at walong lugar sa bansa ang pagtuturok ng COVID-19 vaccines sa mga essential workers at indigent population (A4 at A5 priority group).
Ito ang inamin ng Department of Health (DOH) matapos aprubahan ng gabinete ang pagpapalawig ng bakunahan sa naturang mga sektor.
“Ang tina-target natin by November, at least sa NCR Plus 8 because we still depend on the steady supply of the vaccine, to the global supply,” ani Health Usec. Myrna Cabotaje.
Ayon sa opisyal, may inaasahan na hanggang 11-million doses ng bakuna ang bansa sa pagitan ng Hunyo at Agosto, kaya mas maraming Pilipino pa ang mababakunahan laban sa coronavirus disease.
Kabilang sa tinaguriang “NCR Plus 8” ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Batangas, Pampanga, Cebu, at Davao.
“Ico-concentrate natin sa geographic areas na may surge ng cases.”
Sa ngayon, higit 100,000 indibidwal na raw ang naituturok na bakuna ng pamahalaan kada linggo.
Handa naman daw tulungan ng DOH ang local government units para mas maging epektibo ang pagro-rolyo ng mga bakuna.
Ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. magsisimula lang ang pagbabakuna sa naturang mga grupo kapag naging steady o sapat na ang supply ng bansa sa COVID-19 vaccines.