Nanindigan ang Department of Health (DOH) sa posisyon nito kontra sa pagpayag sa mga menor de edad na pumunta o isama na rin sa mga pampublikong establisyemento tulad ng malls.
“Kami ang posisyon namin hindi nagbabago, hangga’t sa maaari we discourage that dahil mayroon pa ring risk,” ani Health Sec. Francisco Duque III sa isang media forum.
Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ng ilang opisyal nitong Martes na pwede nang isama ng magulang ang kanilang mga anak pagpumunta sa nasabing mga public establishments.
“Ang mga minors po, basta accompanied ng mga magulang, ay papayagang makalabas at makapunta sa mall,” ani Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año sa isang public briefing.
“Aside from malls, they will also be allowed in parks because we should also give the children the chance to go out because this community quarantine has been going on for the past nine months,” ayon naman kay Joint Task Force COVID Shield commander Lt. Gen. Cesar Binag.
Batay sa data ng DOH, may katumbas na 3 to 5% ng coronavirus cases sa bansa ang mula sa hanay ng mga kabataan.
At dahil malimit na magpakita ng sintomas ang COVID-19 sa mga bata, nangangamba ang Health secretary na baka sila pa ang makapang-hawa ng sakit sa iba.
“Hindi sila exempted sa hawaan… posibleng hindi nga sila magpakita ng sintomas, kapag yumakap kay lola, lola, tito, mommy, pwedeng sila ang maging sanhi ng pagkalat,” pahayag ni Sec. Duque.
Nitong araw nang bawiin ng Interior secretary ang pahayag matapos sabihin na wala pang desisyon sa pagpayag ng mga menor de edad sa malls.
Ayon kay Sec. Año, makikipag-usap pa sa Philippine Pediatric Society ang Metro Manila mayors tungkol sa pinag-uusapang plano.
“Based doon sa kanilang consensus, ang sabi nila hindi pa sila handa dahil Christmas, puwede ‘yang ‘di matuloy. At kung sabihin naman nila na pupuwede ganitong edad, papayagan natin, accompanied by guardians or parents, we can adopt it,” sinabi ng DILG secretary sa interview ng GMA News.