-- Advertisements --

Tinamaan ang ilang sasakyang dumadaan sa may kahabaan ng northbound lane ng C5 Katipunan malapit sa Ateneo de Manila University (ADMU) matapos bumagsak ang isang poste ng kuryente at billboard kaninang bandang alas-11 ng umaga ngayong Sabado, Hulyo 19.

Ayon naman kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes, walang nasugatan sa naturang insidente.

Paliwanag ng opisyal na posibleng natumba ang poste at billboard dahil na rin sa lakas ng pagbayo ng hangin dahil sa masamang lagay ng panahon.

Bunsod nito, pansamantalang isinara ang ilang bahagi ng C5 Katipunan malapit sa Ateneo.

Kayat iisa lamang ang madadaanan sa Ateneo de Manila University, Katipunan Avenue papuntang Commonwealth Avenue.

Nagpatupad naman ng Traffic rerouting sa lugar kung saan pinayagan na makadaan ang light vehicle sa ADMU.

Ang mga manggagaling naman ng C5 Katipunan ay maaaring dumaan sa Aurora Blvd, para makapunta sa kanilang destinasyon.

Kayat pinapayuhan ang mga motorista na dumaan muna sa alternatibong ruta.

Samantala, agad naman kumilos ang MMDA kasama ang iba pang mga departamento para maisaayos ang daloy ng trapiko sa naturang kalsada at matiyak ang kaligtasan ng mga dumadaan sa kahabaan ng Katipunan.