-- Advertisements --

Nagpasa na rin si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro “Ted” Herbosa ng kaniyang courtesy resignation kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw ng Huwebes, Mayo 22.

Sa kaniyang isinumiteng courtesy resignation letter, inihayag ng kalihim na buo ang kaniyang suporta sa nagpapatuloy na performance review ng administrasyon sa mga miyembro ng gabinete at mga ahensiya ng gobyerno.

Inihayag din ng kalihim na isang malaking karangalan ang pagsilbihan ang mamamayang Pilipino bilang ika-30 kalihim ng DOH at pinasalamatan ang punong ehekutibo para sa pribelihiyong ito.

Kaugnay nito, binigyang diin ni Sec. Herbosa na patuloy niyang susuportahan ang mga pagsisikap ng pamahalaan para mapahusay pa ang healthcare access sa buong bansa.

Si Herbosa ang isa sa mga Cabinet Secretaries na tumugon sa panawagan ni Pangulong Marcos para sa courtesy resignation ng mga miyembro ng Gabinete kasunod ng naging resulta ng nakalipas na May 2025 midterm elections.

Kasalukuyan ngang nasa Geneva si Sec. Herbosa na itinalaga kamakailan lamang bilang Presidente ng 78th World Health Assembly (WHA), ang pinakamataas na decision-making body ng World Health Organization (WHO).

Ito naman ang kauna-unahang pagkakataon na ang Pilipinas ang namuno sa naturang assembly.