-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na sundin pa rin ang mga health protocol sa gitna ng epekto ng mga kalamidad tulad ng typhoon Quinta.

Pahayag ito ng ahensya matapos sumugod sa evacuation centers ang residente ng mga lugar na sinalanta ng malakas na bagyo.

“Kailangan mapaghiwalay pa rin yung mga may sintomas at tingin natin may COVID, mula doon sa mga taong walang sintomas,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa opisyal, dapat siguruhin ng local government units na hindi iisa ang kanilang ginagamit na pasilidad para sa isolation/quarantine at evacuation.

Dagdag pa ni Vergeire, hindi pwedeng mawala ang implementasyon ng health standards.

“Halimbawa, eskwelahan ang ginagamit nila sa kanilang lugar para sa quarantine facility, kailangan naman at least separate yung dito evacuees natin.”

“Kahit at least naman 1-meter distance in between families together.”

Naiintindihan naman daw ng DOH spokesperson ang urgency sa panahon ng evacuation, kaya kung hindi maiiwasan ang pagdidikit-dikit ay tiyaking nakasunod ang lahat ng face mask at maghuhugas ng kamay.

Hindi rin muna ikinokonsidera ng ahensya ang pagre-rekomenda ng testing sa magsisilikas bago pumasok ng evacuation center.

Pero ang LGUs ay may responsibilidad sa palagiang pagmo-monitor sa mga makikitaan ng sintomas.

“When you do evacuation, it is for urgency purpose… ang advice namin, bago papasukin ng evacuation site, mag-symptoms screening. Lahat ng may sintomas hindi na pwedeng sumama doon, dalhin na sa quarantine facility.”