May paalala na rin ang Department of Health (DOH) sa Muslim community ng bansa kaugnay nang pagsisimula ng Ramadan nitong April 24.
Batid ng DOH na bahagi na ng tradisyon ng mga Muslim ang “taraweeh” o sama-samang pagdarasal sa kanilang mosque.
Pero dahil umiiral ang enhanced community quarantine sa Luzon, gayundin na may ipinatutupad na guidelines ang DOH sa physical distancing nagpayo muna ng alternatibo ang ahensya.
“Mahirap man, hangga’t maaari ay sundin pa rin ang protocols ng ECQ. Katulad ng physical distancing, madalas na paghugas ng kamay, at cough etiquette o wastong pag-ubo.”
Naglabas na raw ng memorandum ang National Commission on Muslim Filipinos hinggil sa suspensyon ng taraweeh sa mga mosque at Muslim prayer rooms sa buong bansa.
“Sa halip, hinihikayat na magdasal sa kanya-kanyang mga tahanan at manatili sa loob ng bahay sa buong panahon ng Ramadan at ECQ.”