-- Advertisements --

Maaari raw na mag-apply ang pamahalaan ng emergency use authorization (EUA) para sa mga COVID-19 drugs at bakuna sa Food and Drug Administration (FDA) sa pamamagitan ng Department of Health (DOH).

Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, sa ngayon daw ay walang COVID-19 vaccine manufacturers ang nag-aaply ng EUA.

Nitong buwan lamang ng payagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang FDA na maglabas ng EUA para sa mga gamot at bakuna laban sa coronavirus disease.

Sa pamamagitan kasi ng EUA ay iikli ang processing time upang aprubahan ang paggamit ng bakuna mula sa anim na buwan ay magiging 21 araw na lang ito.

Posible aniya na mag-apply ang DOH ng EUA bilang public health user para sa kanilang public health program.

Gayunman, nilinaw ni Domingo na hindi ito magsisilbing garantiya na kaagad aaprubahan ang aplikasyon ng ahensya dahil kailangan pa rin nitong mag-submit ng mga kinakailangang datos at dokumento.