-- Advertisements --

MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na limitado pa rin ang panuntunan sa pagpapatupad ng travel ban sa mga bansang may kaso na ng bagong variant ng SARS-CoV-2 virus.

Pahayag ito ng ahensya matapos makapag-ulat ang Pilipinas ng unang kaso ng mas nakakahawang UK variant mula sa isang biyahero na galing sa United Arab Emirates.

“We cannot just put a country on the list kapag nakita namin sa media, we need to have that official confirmation,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa opisyal, kailangan munang manggaling sa official sources ang anunsyo na may kaso na nga ng bagong variant ng COVID-19 ang isang bansa.

Kabilang na rito ang anunsyo mula sa international regulatory system at GISAID (Global Initiative on Sharing All Influenza Data), isang sistema na pinadadalhan ng resulta ng genome sequencing.

“Or kapag mayroon kaming nakuhang official confirmation from their authorities, whether it be from their website or national focal point.”

Pinalalakas naman daw ng pamahalaan ang genomic biosurveillance, kung saan lahat ng mga biyaherong manggagaling sa ibang bansa ay mandatoryong isasailalim sa RT-PCR test.

Ang mga magpo-positibong samples sa COVID-19 ay ipapadala sa Philippine Genome Center para sa “whole genome sequencing.” Dito matutukoy kung saan galing ang virus na tumama sa confirmed cases.

Ayon kay Usec. Vergeire, nais pa rin ng pamahalaan na balansehin ang kalusugan at ekonomiya ng estado, kaya malabo raw na magpatupad ng travel ban ang pamahalaan sa lahat ng bansa.

Binigyang diin din ng DOH spokesperson na normal ang “mutation” o pagbabago ng anyo ng mga virus.

“When you look at the experience of other countries, wala namang nagto-total travel ban because of this variant.”

“Hindi pwedeng tayo forever na naka-total ban, so we need to adopt and just prevent, strictly comply and implement our protocols.”

Ayon sa DOH, na-contact trace na nila ang mga nakasalamuha at kasama sa flight ng Pinoy case. Nasa mabuting lagay na rin daw ito at nagpapagaling.

Mayroon ng 494,605 cases ng COVID-19 sa Pilipinas, as of January 14, 2020.