Tahasang sinabi ng lead legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman na walang interes ang kampo ni Duterte na kuning abogado si dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ginawa ni Kaufman ang pahayag na ito dahil sa umano’y pangingialam ni Roque sa kinakaharap na kasong “crimes against humanity” ng dating presidente.
Paliwanag ni Kaufman, sa unang araw pa lamang ay wala nang interes ang Team Duterte na kuning abogado si Roque.
Ipinapakita umano ni Roque na siya lamang ang natatanging tao na may kakayahang depensahan si Duterte.
Mismong si FPRRD aniya ay nais nang pahintuin si Roque sa mga ginagawa nitong panghihimasok sa kanyang mga kinakaharap na kaso sa ICC.
Pinayuhan rin ng abogado si Roque na tigilan na ang pag-epal sa kaso at bumalik na lamang sa Pilipinas para harapin ang kanyang sariling kaso.