-- Advertisements --

Sinisi ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang mahinang waste management planning, kawatak-watak na sistema ng pagtatapon, at luma at hindi na epektibong mga batas bilang pangunahing dahilan ng madalas na pagbaha sa Metro Manila.

Ayon sa kanya, hirap ang mga local government units (LGUs) dahil sa limitadong dump sites, mahigpit na iskedyul, at logistical constraints, kaya hindi naaayos ang koleksyon ng basura. Dahil dito, kadalasang itinatapon na lang sa estero o kanal ang malalaking gamit tulad ng kutson, refrigerator, at sofa, na nagdudulot ng barado at pagbaha.

Tinuligsa rin niya ang Local Government Code na isinusuko lamang sa mga LGU ang buong responsibilidad ng waste management kahit kulang ang kakayahan ng mga ito.

Nanawagan si Remulla ng isang integrated at centralized system sa buong Metro Manila at mga karatig-lalawigan, pati na ang pagbago sa mga legal na balangkas upang masiguro ang pangmatagalang solusyon. (report by Bombo Jai)