-- Advertisements --

Inaasahan ngayon ng Department of Health (DOH) ang pagdami ng mga pasyente sa mga pampublikong ospital.

Ito ay kasunod ng anunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikaapat na ulat sa bayan na libre na ang basic accommodation para sa mga pasyenteng ma-admit sa mga ospital ng DOH.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, sakali man na maabot na ang limit sa bed capacity sa mga pampublikong ospital, ita-tap ang mga pribadong ospital para magbigay ng 10% ng kanilang mga kama na katumbas ng basic accommodation ng government hospitals.

Ang bayad sa mga pribadong ospital ay sasagutin aniya ng Philippine Health Insurance Coporation (PhilHealth).

Subalit, may pagkakataon aniya na kailangan pa rin ng pasyente na magco-pay lalo na kung ma-confine sa mga ospital na government-owned and controlled corporations (GOCC) gaya na lamang sa kidney institute, heart center, lung center at children’s medical center, bagamat may mga benefit package naman na maaaring i-avail ng pasyente.

Pinawi din ng DOH ang pangamba hinggil sa sustainability ng zero balance billing.

Ayon sa ahensiya, regular na nirereview ang PhilHealth packages at pinalawig pa ang saklaw nito. Gayundin mahalaga din ang pondong ibibigay sa ahensiya kung saan kailangan taasan ng 15% ang kanilang maintenance operating expense (MOE) para magtuluy-tuloy ang no balance billing.

Sa kabila nito, hindi naman aniya nakikitang magtataas sa kanilang taunang pondo sa 2026 dahil inaasahan aniyang mapapabuti pa ang pagsusulong ng magandang kalusugan at pagpigil sa mga sakit sa pamamagitan ng tamang pagkain, ehersisyo, disiplina at check up sa ilalim ng YAKAP program.