Aabot sa P160-million ang tinatayang halaga ng pinsala na iniwan ni Super Typhoon Rolly sa iba’t-ibang pasilidad ng Department of Health (DOH) sa Bicol region.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, bahagyang napinsala ang walong DOH-retained hospitals at laboratoryo. Pati na ang mga pagamutang hawak ng local government units.
“Ang ating kagawaran ay nakapagtala ng walong health facilities na bahagyang napinsala dahil sa bagyo.”
Kabilang sa mga naapektuhan ang: Bicol Regional Training and Teaching Hospital, Bicol Medical Center, Bicol Regional Hospital and Geriatric Medical Center, Bicol Regional Diagnostic and Reference Laboratory, Ziga Memorial District Hospital, Juan M. Alberto District Hospital.
“At isang rural health unit sa Malilipot, Albay; at isang barangay health station sa Barangay Calbayog.”
“Patuloy pa nating inaalam ang mga lagay ng iba pang health facilities sa lugar na tinamaan ng bagyong Rolly.”
Ayon kay Vergeire, nakikipag-ugnayan na rin ang kanilang hanay sa mga testing laboratories ng rehiyon. As of November 2, wala na raw natanggap na specimen ang ahensya mula sa mga pasilidad na nagsasagawa ng COVID-19 test.
“Tinitingnan natin kung makakapagpatuloy tayo ng kanilang operasyon nang in full capacity. We were assuming na because peopl were also affected kaya hindi masyadong pumasok ang specimens.”
Nagabiso na ang opisyal ukol sa inaasahang pagbaba sa output ng COVID-19 tests dahil sa mga naapektuhang pasilidad, pati na ang paglobo sa mga kaso ng sakit kapag nagbalik operasyon na ang mga ito.
‘ROLLY’ AFFECTED TTMFs, PATIENTS
Samantala, nananatili pa rin daw sa mga hotel at ospital ang 155 na pasyente at 169 na staff ng ilang temporary treatment and monitoring facilities sa Metro Manila at Bulacan.
Ang lokal na pamahalaan naman ng Pasig, Makati, at Las Pinas City ay naglipat din daw ng kanilang mga pasyente mula TTMFs patungong hotel at ospital.
“Patuloy pa rin ang aming assessment sa Bicol TTMFs, at quarantine facilitie sa tulong ng DOH-Region 5.”
Nitong Lunes nang aminin ng ahensya na bago pa tumama ang bagyo sa bansa ay inilipat muna ng quarantine ang mga pasyente at staff mula sa mga inaasahang maaapektuhan na TTMFs.
PAGHAHANDA KAY ‘SIONY’
Tiniyak naman ng DOH na nakahanda na rin ang kanilang buong hanay para sa inaasahang pagtama ng bagyong Siony sa bansa. Batay kasi sa huling tala ng PAGASA, papalapit pa ang bagyo matapos pumasok sa Philippine Area of Responsibility.
“Its something that the DOH regularly does. Hindi natin hihintayin na dumating na at nakapinsala na bago tayo mag-preposition ng ating logistics for our regional offices.”
Sa ngayon, namahagi na raw ng P31-million halaga ng supplies at gamot ang Health department sa kanilang regional offices.
Nagbahagi rin ng P20-million cash assistance ang DOH sa tatlong ospital, anim na probinsya sa rehiyon, at sa Naga City, Camarines Sur.