Inanunsyo ni Department of Agriculture (DA) Sec Francisco Tiu Laurel Jr. na isasama na rin ang mga tsupert ng dyip at tricycle sa programang P20 kada kilo na bigas simula Setyembre 16.
Ipapatupad ito sa limang pilot areas, kabilang ang Lungsod ng Navotas kung saan may mahigit 4,000 na rehistradong drayber.
Nakikipag-ugnayan na ang DA sa Department of Transportation para sa paggamit ng database ng mga lehitimong drayber ng pampublikong transportasyon.
Una na ngang inilunsad ang programa para sa mga solo parent, senior citizen, 4Ps beneficiaries, at persons with disabilities. Pinalawak ito kalaunan upang maisama ang mga minimum wage earners, magsasaka ng palay, at mga mangingisda.
Kasama na rin sa makikinabang ang mga benepisyaryo ng Walang Gutom program ng DSWD at mga low-income employees ng Department of Education.
Maaaring bumili ng hanggang 10 kilo ng bigas kada buwan ang mga kwalipikadong benepisyaryo, gamit ang valid ID o QR code.
Inihayag din ng kalihim na ilulunsad ang P20 App sa Oktubre 1 para mapadali ang distribusyon at matiyak ang transparency ng programa. Tiniyak din ng kalihim na may sapat na suplay, kasabay ng planong pagbebenta ng 1.2 milyong sako ng bigas ng National Food Authority sa susunod na buwan.