-- Advertisements --

Bumuo ang Department of Agriculture (DA) ng food security task force para masusing i-monitor ang suplay at presyo ng agricultural commodities sa gitna ng energy emergency at geopolitical tensions sa mga pangunahing export markets.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr., layunin ng hakbang na ito na mapalitan ang dating ad hoc monitoring system ng ahensiya para gawing standardized at mas detalyado ang pag-track ng mga suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin gayundin ang mga inaangkat at iniluluwas.

Sinabi ng kalihim na nagsasagawa ang task force ng araw-araw na briefings kaugnay sa food situation ng bansa na ibabahagi rin aniya sa Kongreso at sa Office of the President.

Nagsasagawa rin ng tracking ang task force sa epekto ng mga disrupted shipping routes partikular na sa Gitnang Silangan, na nakaapekto sa pangunahing mga iniluluwas na produkto ng Pilipinas gaya ng saging at pinya.

Ang pagkaantalang ito ay nagresulta sa pagkawala ng oportunidad ng mga exporter, kayat kinailangang i-redirect ang shipments sa alternatibong merkado sa mas mababang presyo, na kapwa nakakaapekto sa producers at ekonomiya.

Para masuportahan ang agri sector, nakikipag-ugnayan na ang DA sa financial institutions para magbigay ng tulong sa exporters na humaharap sa pagkalugi.

Ayon kay Sec. Laurel, kanilang pinag-aaralan ang pagbubukas ng mga alternatibong markets, posible sa Africa, Australia, Europe at Southeast Asia.