Binigyang-diin ng Malakanyang na ang idineklarang State of National Energy Emergency ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay malinaw na patunay na hindi nagpapabaya ang pamahalaan sa gitna ng banta ng pandaigdigang krisis.
Ayon kay PCO Undersecretary Claire Castro, ang hakbang na ito ay ginawa upang agapan at mapigilan ang paglala ng sitwasyon sa Pilipinas dulot ng nagpapatuloy na gulo sa Middle East.
Ipinaliwanag ng opisyal na layunin ng administrasyon na maging maagap sa paglalatag ng mga solusyon bago pa man humantong ang bansa sa isang “hindi magandang sitwasyon.”
Sa ilalim ng deklarasyong ito, binibigyan ng kapangyarihan ang gobyerno na pabilisin ang pagkuha ng alternatibong suplay ng langis at magpatupad ng mga subsidiya para sa mga apektadong sektor upang matiyak ang seguridad sa enerhiya ng bansa hanggang sa matapos ang krisis.
















