-- Advertisements --

Hinikayat ng Department of Energy (DOE) ang mga kumpanya ng kuryente na magtipid sa paggamit ng fuel at mas maingat na pamahalaan ang supply upang maiwasan ang biglang pagtaas ng presyo ng kuryente.

Ito ay kasunod ng pagdeklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng national energy emergency dahil sa patuloy na pagmahal ng fuel sa pandaigdigang pamilihan.

Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, kailangan ng mas mahigpit na pamamahala sa fuel dahil umaasa ang bansa sa inaangkat na langis, coal, at liquefied natural gas (LNG).

Inatasan din ang mga power plant na gamitin ang mga lokal na mapagkukunan ng enerhiya at coal plants para mapigilan ang pagtaas ng presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), kung saan bumibili ng kuryente ang mga supplier.

Pinag-aaralan din ng mga kumpanya ang paggamit ng alternatibong fuel, tulad ng mas mataas na biodiesel blends at paghahalo ng iba’t ibang uri ng coal, para makatipid sa gastos.

Dagdag pa ng DOE, kailangang tiyakin ng mga kumpanya na may sapat silang fuel na tatagal ng hindi bababa sa 15 araw at agad i-report kung may problema sa supply.

Nilinaw naman ng Malacañang na walang kakulangan sa suplay ng langis, pero tumataas ang presyo nito dahil sa patuloy na digmaan sa Middle East.

Patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa, kung saan umabot na sa 11 sunod na linggo ang pagtaas ng gasolina at 13 linggo naman para sa diesel at kerosene.