Posibleng mangailangan ang Department of Agriculture (DA) ng dagdag na P40 bilyong pondo sakaling magpatuloy pa ang krisis sa langis.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr., mayroon lamang ang ahensiya ng P150 million para sa fuel subsidy at P10 billion mula sa Presidential Assistance to Farmers and Fishermen.
Pagdating sa fertilizer, kakailanganin aniya ng P30 billion. Sa ngayon, ayon sa kalihim, kalahati na lamang ang kanilang pondo para sa fertilizer.
Kailangan din aniya ng DA ng dagdag na P20 billion para sa rice farmers at dagdag na P10 billion para suportahan ang mga mangingisda.
Nauna nang tinaya ng DA na ang minimum loss sa agricultural products ay papalo sa 20% o katumbas ng dalawang milyong metrikong tonelada, kung saan nagkukulang pa rin ang interbensiyon ng gobyerno para matugunan ang epekto ng krisis sa langis.
















