Nilinaw ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na hindi pa agad mararamdaman ang pagbaba ng presyo ng langis sa kabila ng ligtas na pagdaan ng Philippine-flagged vessels sa Strait of Hormuz.
Paliwanag ng kalihim na bagamat hindi ganap na mareresolba ng pagtitiyak ng Iran para sa ligtas na pagdaan ng mga barkong may sakay na mga Pilipinong tripulante at hindi nito mabubura ang lahat ng banta, sinabi ng opsiyal na magbibigay ito sa Pilipinas ng ligtas at “preferential access” sa kritikal na suplay ng langis.
Aniya, kahit na karamihan sa mga langis ng bansa ay nagmumula sa regional hubs gaya ng Singapore o Korea, ang krudo, na prino-proseso sa mga refineries para maging mga produktong petrolyo, ay dumaraan sa Strait of Hormuz.
Kayat anumang pagkaantala ay lumilikha ng domino effect na nakakapekto sa pandaigdigang suplay ng langis at lalo na sa pagsipa ng presyo.
Subalit, nananatili aniyang pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang pagpapababa ng presyo ng langis at tuluy-tuloy na suplay sa gitna ng nagpapatuloy na energy emergency sa bansa.
















