Pinawi ng Department of Agriculture (DA) ang pangamba ng publiko hinggil sa posibleng pagtaas ng presyo ng pagkain sa bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang “worst-case scenario” na ipinapakita sa ilang ulat ay hindi agad mangyayari dahil sa mga interbensyon ng gobyerno.
Inilarawan ng kalihim ang naturang scenarios na nakabase sa “extreme assumptions” at hindi kasama sa mitigating measures.
Ipinapalagay aniya sa mga presyong inilahad na nararamdaman na ang buong epekto ng mabilis na pagtaas ng presyo ng krudo, pero giit ng kalihim na hindi isinama ang ginagawang aksiyon ng pamahalaan, para protektahan ang mga Pilipino mula sa oil shock.
Aniya, hindi kailangang mag-panic dahil sapat ang suplay ng pagkain at may mga nakalatag nang hakbang ang pamahalaan para tugunan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Tiniyak din ng DA na stable ang suplay ng bigas, mais, asukal, gulay, at karne hanggang Hulyo 2026.
Pinag-aaralan na rin ng DA ang pagpapatupad ng P50 per kilo na price ceiling sa imported na bigas upang makatulong sa mga mamimili, habang tinitiyak na hindi rin babagsak ang presyo ng palay ng mga lokal na magsasaka.
Naghahanda rin ang gobyerno na maglabas ng hindi bababa sa P100 milyong fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda upang maibsan ang taas-presyo sa transportasyon at produksyon.
Nagbabala naman ang DA laban sa hoarding at profiteering o mapagsamantalang pagtaas ng presyo ng mga trader.
















