Inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang “TUPAD Tuloy Pasada” program bilang dagdag na kita para sa mga tsuper ng dyip sa gitna ng mataas na presyo ng langis sa bansa.
Sa ilalim ng programa, makakatanggap ng P695 kada araw ang inisyal na 134 tsuper ng dyip na namamasada sa mga ruta sa Metro Manila, katumbas ito ng minimum wage sa rehiyon.
Ang naturang halaga ay liban pa sa regular na kinikita ng mga jeepney driver mula sa kanilang arawang pamamasada.
Tutukuyin ang mga benepisyaryo sa pamamagitan ng profiling at validation ng DOLE, kung saan ang inisyal na listahan ay kukunin mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang mga tsuper na hindi pa maisasama sa inisyal na listahan ay maaaring mag-apply sa pinakamalapit na tanggapan ng DOLE. Kailangan lamang mag-presenta ng valid professional driver’s license.
Matatanggap ng mga kwalipikadong tsuper ang tulong na hanggang 30 araw.
Ang programa ay bahagi ng hakbang ng DOLE para maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa mga tsuper ng mga pampublikong transportasyon.
Target na masuportahan sa programa ang 50,000 tsuper sa buong bansa, na papalawigin kalaunan para sa iba pang apektadong sektor kabilang ang truck drivers, na naghahatid ng agricultural products.
















