Nag-anunsyo ang Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ng nationwide transport holiday ngayong Lunes dahil sa inaasahang panibagong pagtaas ng presyo ng langis.
Kaugnay nito, hindi muna pumasada ang kanilang mga miyembro bilang protesta sa patuloy na pagkalugi ng mga jeepney driver at operator.
Ayon kay ACTO president Libay de Luna, hirap na ang mga tsuper na kumikita na lamang ng humigit-kumulang P150 kada araw dahil sa mataas na presyo ng diesel.
Nilinaw niyang walang manggugulo at layunin lamang nilang iparating sa pamahalaan ang kanilang kalagayan.
Nanawagan ang grupo ng tulong tulad ng service contracting at moratorium sa bayarin ng mga transport cooperative.
Makikiisa rin sa transport holiday ang isang grupo sa Iloilo City, habang nauna nang nagsagawa ng transport strike ang PISTON noong Marso 19 at 20.














