MANILA – Naniniwala ang Department of Health (DOH) na handa na ang mga lugar na sakop ng National Capital Region (NCR) Plus na bumalik sa estado ng general community quarantine (GCQ).
Kasunod ito ng anunsyo ng Malacanang nitong Huwebes ng gabi na isasailalim na sa “GCQ with heightened restriction” ang NCR, Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan simula bukas, May 15.
“Base sa mga indicators na mayroon tayo, at pag-aaral ng iba’t-ibang ahensya at mga eksperto, nakikita natin na kakayanin natin kung tayo ay magkakaroon ng GCQ with heightened restrictions,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ayon sa opisyal, bumaba na ang “average daily attack rate” o tinatayang bilang ng mga nahahawaan ng COVID-19 kada araw sa NCR Plus, pati na ang “growth rate.”
Bukod dito, nakita rin daw ng DOH at mga eksperto na lumuwag na ang sitwasyon sa mga ospital o ang “healthcare utilization rate” ng rehiyon at mga lalawigan.
“Dati mayroon tayong ICU bed utilization as high as 88%, ngayon 67% na lang. Its an improvement pero di natin sinasabi na ligtas na tayong lahat and we can be complacent.”
“This is to balance off yung ating economic losses, dahil marami na tayong kababayang nagugutom.”
Nilinaw ni Vergeire na bagamat niluwagan ng pamahalaan ang quarantine classification sa NCR Plus, may mga panuntunan pa rin dapat sundin ang publiko.
Sa paraang ito raw makakasiguro ang pamahalaan na kontrolado ang sitwasyon ng pandemya.
“Kaya nilagyan ng “heighted restrictions” dahil ang pinapayagan ay unti-unti nating bubuksan ang mga industrya para magkaroon ng trabaho ang mga kababayan natin, pero restricted ang non-essential activities.”
Dagdag pa ng Health spokesperson, may malaking papel din na gagampanan ang local government units para hindi na muling lumobo ang hawaan ng COVID-19.
“For our LGUs to work on shortening the period from the time a person is detected with COVID-19 or with symptoms to the time they are isolated… kung maibaba natin ng 5 and a half days na bababa ang mga kaso natin in two-thirds.”
Ayon sa opisyal, dumaan naman sa konsultasyon at pag-aaral ng mga health experts at National Economic and Development Authority (NEDA) ang rekomendasyon bago inaprubahan ng Inter-Agency Task Force.