Pinababantayan na ng Department of Health (DOH) sa mga concerned agencies ang banta ng pagpasok sa bansa panibagong disease outbreak na pumutok sa China, na Brucellosis.
“Kasalukuyan po kaming nakikipag-ugnayan sa mga deisgnated office kung mayroong na-record na kaso sa ating bansa,” ayon sa DOH.
Batay sa report ng Global Times, aabot na sa 6,620 ang nag-positibo sa naturang sakit sa Lanzhou City, Gansu province.
Aminado ang lokal na pamahalaan ng lungsod na dulot ng isang leak sa kanilang vaccine plant ang naitalang outbreak.
Ayon sa World Health Organization, nakukuha ang sakit sa pamamagitan ng direktang contact ng tao sa ilang infected na farm animals tulad ng baka, baboy, kambing, tupa at aso.
“By eating or drinking contaminated animal products or by inhaling airborne agents. Most cases are caused by ingesting unpasteurized milk or cheese from infected goats or sheep.”
Nilinaw ng Health department na wala pang naitatalang kaso ng Brucellosis sa Pilipinas, pero nagbabala muna ang ahensya publiko na mag-ingat sa pag-inom ng sariwang gatas at keso.
Bagamat madalang daw ang human-to-human transmission o pagkahawa sa pagitan ng mga tao, ay banta ito sa mga nagta-trabaho sa livestock sector bilang occupational hazard.
“Ayon sa WHO, karamihan ng nagiging kaso ng Brucellosis ay mula sa pag-inom ng raw milk at ang derivatives nito tulad ng fresh cheese. Karamihan din ng kaso ay mula sa produkto ng tupa at kambing,” ayon sa DOH.
PREVENTION AND CONTROL
Para makaiwas sa banta ng infection sa Brucellosis, payo ng DOH sa mga livestock farmers na pabakunahan ang mga alagang baka, tupa at kambing kung sila ay mula sa “high prevalence areas” o mga lugar na may mataas na kaso na ng sakit.
Makakatulong din daw ang maingat na paghahanda sa mga pagkain, pagpapanatili sa kalinisan ng livestock farms at laboratoryo.
“Ang pasteurization po ng gatas at keso ay mahalaga para puksain ang transmission mula sa mga hayop papunta sa mga tao.”
Ayon sa DOH, mayroong ASEAN Biodiaspora Virtual Center ang Pilipinas, isang articial intelligence system na nagmo-monitor sa kaso ng mga nakakahawang sakit sa ibang bansa.
Aktibo raw ang koordinasyon nito sa iba pang member agencies ng Philippine Inter-Agency Committee on Zoonoses (PHICz), Department of Agriculture Bureau of Animal Industry (DA-BAI) and Department of Natural Resources (DENR).