Tiniyak ng Russia na bibigyan nila ng maingat na pagsusuri ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Armenia at Azerbaijan na pinangunahan ng Estados Unidos.
Subalit, ang kaalyado ng Russia na bansang Iran ay mariing tinutulan ang plano ng isang bagong border corridor na suportado ni U.S. President Donald Trump.
Ito’y kaugnay ng kasunduan na nilagdaan sa Washington noong Biyernes, Agosto 8 na layuning tapusin ang matagal na alitan sa pagitan ng Armenia at Azerbaijan.
Kabilang sa mga probisyon ng kasunduan ang pagpapatayo ng isang transit corridor na magdudugtong sa Azerbaijan at ang exclave nitong Nakhchivan, isang matagal nang hinihinging proyekto ng Baku.
Ang Amerika kasi ay magkakaroon ng karapatang mag-develop ng corridor, na tinawag na “Trump Route for International Peace and Prosperity.”
Subalit tutol dito ang Iran. Ayon kay Akbar Velayati, tagapayo ni Iranian Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei, maaari itong magdulot ng panganib sa seguridad ng rehiyon at iginiit na hindi mangyayari ang naturang proyekto.
‘An impossible notion and will not happen,’ ani Velayati.
Samantala, sinabi naman ng Moscow na kailangan pa nilang suriin nang mabuti ang mga detalye ng kasunduan, lalo na ang isyu ng corridor.
Ayon kay Maria Zakharova, tagapagsalita ng Russian Ministry of Foreign Affairs, may mga kasunduan nang umiiral sa pagitan ng Russia, Armenia, at Azerbaijan, kaya’t hindi pa malinaw kung paano ito maaapektuhan ng bagong kasunduan.
Bagaman nalulugod ang Azerbaijan at Armenia ukol sa hakbang ng Estados Unidos, may mga analyst naman ang nagbigay-pansin sa kakulangan ng mga detalye at ang posibleng mga balakid sa implementasyon ng kasunduan.
Naniniwala kasi ang mga ito na ang kasunduan ay nagpapakita lamang umano ng pagbagsak ng impluwensya ng Russia sa rehiyon, dulot ng digmaan sa Ukraine.