-- Advertisements --

Nanindigan si retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na pinairal nila ang due process para mag-intervene o makialam sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ipinaliwanag ni Carpio na sinusunod nila ang proseso alinsunod sa nakasaad sa konstitusyon at sa ilalim ng mga panuntunan ng korte at nakialam na aniya ang kanilang koalisyon na 1Sambayan dahil ito ay isang napakahalagang kaso.

Aniya, mayroon na rin silang inihain dati na kaso kaugnay sa confidential funds, na isyu din aniya sa inihaing impeachment case laban sa Bise Presidente.

Nilinaw din ni Carpio na hindi sila nakakataas sa Korte Suprema, kundi sinusunod lamang aniya nila ang prosesong inilatag ng kataas-taasang hukuman.

Kung matatandaan, nauna ng hiniling ng koalisyon at iba pang grupo sa Korte Suprema na mag-isyu ng status quo ante order na magpapahinto sa proceedings ng impeachment trial ng Pangalawang Pangulo.

Ito ay sa pamamagitan ng paghahain ng mosyon para payagang mag-intervene sa impeachment cases gayundin para tanggapin ang kanilang motion for reconsideration, kung saan hiniling nila sa korte na mag-isyu ng status quo ante order at magtakda ng oral arguments para sa kaso.