-- Advertisements --

Nagbabala si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na mawawalan ng karapatang magsumite ng sagot si Vice President Sara Duterte kung mabibigo siyang makapagpasa ng reply sa writ of summons na inilabas ng Senate impeachment court noong Hunyo 10.

Bagamat maaari pa rin siyang magpresenta ng ebidensya, iginiit ni Carpio na nasa kapangyarihan na ng Senado kung papayagan pa si Duterte na makapaglahad ng depensa kahit lampas na sa itinakdang deadline.

Magugunitang ang 10-araw na palugit para sa kanyang reply ay nagtapos na ngayong araw ng Linggo, Hunyo 21, subalit dahil ito ay natapat sa Sabado, maaaring magsumite pa ang kampo ni Duterte hanggang Lunes (Hunyo 24).

Kinumpirma rin ng tagapagsalita ng impeachment court na si Atty. Regie Tongol na magpapatuloy ang paglilitis kahit hindi sumagot si Duterte sa summons.

Kumpiyansa naman si Carpio na magsusumite ng sagot ang panig ni Duterte dahil magiging mapanganib ito sa kanilang depensa kung hindi.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Carpio na maaaring iatas ng Korte Suprema sa Senado na ituloy ang paglilitis, at may kapangyarihan ang impeachment court na mag-subpoena ng bank records—isang mahalagang bahagi umano ng proseso.

Matatandaan na ang impeachment complaint laban kay Duterte ay kaugnay ng umano’y pag-abuso nito sa confidential funds ng gobyerno, hindi maipaliwanag na yaman, kaugnayan sa extrajudicial killings sa Davao City, at ang kontrobersyal niyang pahayag na tila nagbabantang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at Speaker Martin Romualdez.