Nagpahayag ng suporta ang Taiwan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang kanyang pahayag tungkol sa posibleng pakikialam ng Pilipinas sakaling sumiklab ang Taiwan invasion na ikinagalit ng China.
Sa isang statement sa X, ibinahagi ng Ministry of Foreign Affairs (MOFA) ng Taiwan ang panayam kay Pangulong Marcos kung saan sinabi umano niya ang malinaw na katotohanan na ang nangyayari sa Taiwan Strait ay may epekto sa lahat.
Pinasalamatan din ng Taiwan si Pres. Marcos sa pagkilala sa panganib sa seguridad at sa pagtindig kasama ang Taiwan para sa kapayapaan sa Indo-Pacific Region.
Una rito, sa naging panayam kay Pangulong Marcos sa India, sinabi niya na hindi maaaring manatiling walang pakialam ang Pilipinas kung magkaroon ng gulo sa pagitan ng China at Taiwan, dahil maraming Pilipino ang nagtratrabaho doon.
Sinabi din niyang kailangang protektahan ang overseas Filipino workers (OFWs) at bukas siya sa posibilidad na payagan ang Estados Unidos na gamitin ang resources at base-militar ng Pilipinas kung magkaroon ng kaguluhan.