-- Advertisements --

Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) kaugnay ng lumutang na ulat kahapon tungkol sa umano’y discrepancy o hindi tugmang data ng mga bagong confirmed cases.

Lumalabas kasi sa case bulletin ng DOH nitong April 22 na 111 ang newly reported confirmed cases sa buong bansa.

Kung titingnan, hindi ito tumugma sa inireport ng Cebu City local government na 139 new confirmed cases sa kanilang lugar.

“Iba’t-iba ang pinanggagalingan ng ating datos na ginagamit ng kagawaran sa pagtala ng mga kaso sa COVID-19. Una na diyan ang mula sa Regional Surveillance Units na mula rin sa ating local government units.”

“Mayroon ding datos na pumapasok mula sa sentinel sights natin kagaya ng mga ospital at clinic. Ayon sa atin case investigation forms, sinasagot naman ng mga doktor na unang nakakapag-examine sa mga pasyente.”

“Sa huli, may pumapasok ding datos galing sa ating mga laboratoryo — laboratory information system.”

Ang mga nakukuhang datos ay ipinapadala raw sa Epidemiology Bureau para sa validation at masigurong tugma ang mga ito.

Ito umano ang sanhi kung bakit nade-delay ang reporting ng mga kaso, o hindi kaya’y hindi nagkakaroon ng tugma o discrepancy.

Umabot na sa 6,981 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas ngayong araw bunsod ng 271 na mga bagong kumpirmadong kaso.

Ang Central Visayas naman kung nasaan ang lalawigan ng Cebu ay may 351 na naitalang COVID-19 cases.