-- Advertisements --

Sa gitna ng mataas pa ring mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, nilinaw ng Department of Health (DOH) na bumubuti na ang sitwasyon ng estado sa gitna ng ilang buwan nang hamon ng pandemya ng sakit.

Nitong Martes nang maitala ng DOH ang pinakamaraming bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa loob ng isang araw, na umabot sa 1,150.

Pero kung titingnan daw ang total ng active cases kahapon na nasa 22,197; makikita na malaking porsyento ng mga ito o 96.2-percent ang mga mild lang case. 3.2-percent naman ang mga nagpapagaling kahit asymptomatic.

Habang maliit ang porsyento ng mga severe cases na 0.5-percent, at critical na 0.1-percent.

“Ibig sabihin mataas ang porsyento na makaka-recover tayo sa sakit na ito. Mataas man ang mild cases, let me remind everyone that we can never be complacent here. Habang wala pang bakuna sa COVID-19, siguraduhin natin na hindi natin ito maiuuwi sa ating bahay at mahahawa sa mga kapamilya.”

Sa level ng national epidemic curve, o kabuuang antas ng pagkalat ng COVID-19 sa bansa, makikita na dahan-dahan din ang kabuuang pagtaas ng mga kaso ng sakit. Ayon kay Usec. Vergeire, kahit may pagtaas sa mga bagong kaso ng sakit ay nakakayanan naman ng health system ng bansa na asistehan ang mga pasyente ng pandemic.

Kung susuriin ang datos, Visayas ang may bahagyang pagbilis sa pagtaas ng mga numero; nasa “gradual” state naman ang National Capital Region; habang mababa na ang mga bilang ng kaso ng COVID-19 sa Mindanao.

Habang ang R-Naught o reproductive number ng COVID-19 sa bansa ay nasa halos 1-porsyento na. Sa paliwanag ng DOH, ang R-Naught ay yung bilang ng mga bagong kaso ng sakit na nahawa mula sa isang kumpirmadong kaso.

Bumaba naman sa 6.9-percent ang positivity rate o yung porsyento ng mga nagpo-positibo mula sa kabuuang bilang ng mga tinest. Ang numerong ito ay indikasyon daw na sapat ang testing capacity at nababawasan ang transmission ng sakit.

Kapag mababa sa 2-percent ang R-Naught ng isang bansa, mas magandang indikasyon daw ito dahil sinasalamin nito na mas kakaunti na ang nahahawa.

Samantalang ang porsyento ng mga namamatay sa COVID-19 sa bansa ay pababa na ng pababa.

Sa ngayon ang case fatality rate ng Pilipinas at 3.73-percent. Hindi ito nalalayo sa average ng ASEAN region na 2.94-percent. At labis na mababa sa global average na 5.22-percent.

“Importante pa rin ang palagiang paghugas ng kamay, disinfection and sanitation, and physical distancing,” ani Vergeire.