-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Health (DOH) na mayroon silang 1,823 hindi natapos na health centers na tinatayang nagkakahalaga ng P32.4 billion.

Ayon kay Sen. Pia Cayetano, ang mga health centers na ito ay bahagi ng Health Facilities Enhancement Program, ngunit hindi pa kasama ang halaga ng mga hindi natapos na pasilidad sa kanilang P262.8-billion budget proposal para sa 2026.

Sa isang interpellation sa Senado, tinanong ni Sen. Loren Legarda kung kasama naba ang P32 billion sa alokasyon. Sagot ni Cayetano, hindi pa ito kasama sa National Expenditure Program (NEP), at ipinaliwanag na kailangan pa nilang tukuyin kung aling mga pasilidad ang madali lang ayusin.

Nagulat si Legarda sa hindi pagsama ng pondo para sa mga hindi natapos na pasilidad, dahil ayon sa Department of Budget and Management, pangunahing prayoridad nila dapat ang pagtatapos ng mga hindi natapos na proyekto kaysa magtayo muli ng mga bago.

Ayon kay Legarda, kung hindi mapondohan ang P32 billion para sa mga hindi natapos na health centers, maraming tao sa mga lalawigan ang kailangang maghintay pa ng isa pang taon bago magamit ang kanilang mga ospital.

Pinaliwanag ni Cayetano na ang ilan sa mga pondo para sa pagkumpleto ng ilang health centers ay nakasaad na sa Tier 1, ngunit marami pa rin daw ang naiwan sa Tier 2.

Binanggit din ni Legarda ang paulit-ulit na problema ng mga hindi natapos na pasilidad sa DOH. “So why do they start to build all that, if they do not complete it?” tanong niya.

Paliwanag ng DOH, ito ay dahil sa kanilang zero budgeting system, na naglilimita sa kanilang kakayahan na humingi ng pondo kung saan tinatanong lang sila kung alin lang sa pondo ang kaya nilang ma-consume sa isang taon.