Tinatayang aabot sa P32.4 billion ang halagang kailangan para makumpleto ang pagpapatayo ng 1,823 health centers ng Department of Health (DOH) na hindi pa natatapos.
Ito ang naging tugon ni Sen. Pia Cayetano, na siyang nagpresenta ng panukalang pondo para 2026 ng DOH sa Senado sa interpelasyon ni Senator Loren Legarda kung ilan pa ang mga nakatiwangwang o hindi natapos na pasilidad sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program ng ahensiya.
Inihayag din ni Sen. Cayetano na ang kinakailangang halaga ay hindi pa kasama sa National Expenditure Program (NEP) dahil nakatakda pa lamang magbigay ang DOH ng mga detalye kaugnay sa mga hindi pa natatapos na health centers para mahanap kung ano ang mas madaling maayos.
Subalit nagpahayag ng pagkalito si Sen. Legarda sa hindi pagkakasama ng pondo dahil nauna na aniyang sinabi ng Department of Budget and Management sa isang statement na kanilang uunahin ang mga hindi pa nakukumpletong mga istruktura.
Gayundin kinuwestyon ni Sen. Legarda kung bakit patuloy pa rin ang ganitong problema sa DOH na may daan-daang mga hindi natatapos na istruktura sa kabila ng bilyun-bilyong pisong pondo.
Paliwanag naman ni Sen. Cayetano na maaaring dahil ito sa zero budgeting system kung saan hinihingi lang ng DOH ang pondo na kaya nilang magugol sa loob ng isang taon.
Matatandaan, unang nabunyag na may mga nakatiwangwang at hindi pa rin operational na health centers sa paghimay ng panukalang pondo ng DOH sa House of Representatives. Dito, inisyal na natuklasan na tanging 200 mula sa 600 health centers ang operational.














