Gumagawa na ang Department of Health (DOH) ng mga paraan para mapagana ang mga “ghost” o hindi gumaganang health centers sa buong bansa bilang bahagi ng pagpapalakas sa primary healthcare system.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, nagsasagawa ang DOH ng audit sa mga pasilidad na naipatayo ngunit hindi nagagamit dahil sa kakulangan sa tauhan, kagamitan, o accreditation.
Saad pa ng kalihim na 70% lamang sa 600 health centers sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program ang kasalukuyang operational.
Ipinaliwanag niyang responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan ang pag-hire ng mga staff, ngunit maaari umanong tumulong ang DOH sa pamamagitan ng mga programang gaya ng Doctors to the Barrios.
Dagdag pa ni Sec. Herbosa, kung may LGU na hindi kayang patakbuhin ang center dahil sa Personal Services cap, maaari itong pansamantalang pamahalaan ng DOH habang pag-aari pa rin ng LGU.
Bukas din ang DOH sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor para matiyak na mapapakinabangan ng publiko ang mga nakatiwangwang na health centers.