-- Advertisements --

Simula ngayon ay gagamitin na ang “suspect, probable, at confimed” bilang klasipikasyon ng mga PUM (person under monitoring) at PUI (person under investigation) dahil sa coronavirus disease.

Sa inilabas na advisory ng DOH, layunin ng ahensya na magkaroon ng uniformed reporting para mas maging tutok ang kanilang hakbang na labanan ang COVID-19.

Hinati naman sa “suspect at probable” ang dating nasa PUI category.

Ituturing na “suspect” ang mga taong makararamdam ng mild, sever, o kritikal na sintomas ngunit hindi pa sumasailalim sa coronavirus testing.

Gayundin ang makararamdam ng influenza-like illness, may ubo o sore throat, hirap sa paghinga, at makararanas ng problema sa baga sa hindi matukoy na dahilan.

Maging ang sinomang may travel history sa lugar o bansa na may local transmission ng COVID-19 sa loob ng 14 na araw bago magpakita ang sintomas o di kaya naman ay close contact sa taong positibo sa naturang virus.

Sakop naman ng “probable” category ang mga mga taong makararanas ng mild, severe o kritikal na sintomas ng sakit na sumailalim na sa testing ngunit hindi pa lumalabas ang resulta maging ang mga nagpa-test sa unofficial testing laboratory.

“Confirmed” case naman ang para sa mga taong nag-positibo sa virus.