Itinanggi ng Department of Health (DOH) na ghost project ang Health Facilities Enhancement Program (HFEP).
Ito ay matapos na idulog ni Akbayan Party List Rep. Atty. Chel Diokno sa House budget deliberation ang naunang pahayag ni Health Secretary Ted Herbosa na inihalintulad ang naturang programa bilang “flood control” version ng DOH.
Subalit, tinugunan ito ng DOH budget sponsor na si Bataan 2nd District Rep. Albert Garcia, na hindi ito nangangahulugan na ghost project ang mga health center.
Paliwanag ng mambabatas, na kulang lang ang mga tao o healthcare professionals na magpapatakbo kayat hindi pa operational ang mga ito at inaantay lamang na ma-activate.
Base kasi sa datos ng DOH, tanging nasa 200 mula sa 600 health centers sa buong bansa ang kasalukuyang operational sa kabila pa ng inilaang P400 billion na pondo para sa mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng programa.
Tinanong din ni Rep. Diokno ang DOH kung ano ang ginawang aksiyon ng kalihim para matugunan ito.
Sagot naman ng DOH budget sponsor na binuksan ng DOH ang 55 Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (Bucas) centersa sa buong bansa para matugunan ang hindi pa operational na health centers at mapahusay pa ang paghahatid ng mga primary care services.















